Hindi masama ang tumulong sa tao o sa mga taong nangangailangan lalu na po kung sila ay katulad nating nagpapakahirap sa ibayong-dagat para kumita para sa pamilya. Nguni’t meron diyan na sasamantalahin ang kabutihan ng kanilang mga kababayan para lamang sa kanilang sarili at kapakanan. Ang sinumang makakabasa nito mangyari lang po ipakalat ninyo sa ating mga kababayan na naririto sa Saudi Arabia.
Press Release No. APV- 42 - 2010
Embassy of the Republic of the Philippines
01 September 2010
BABALA TUNGKOL SA PAGTULONG SA MGA PILIPINONG DIUMANO’Y
NANGANGAILANGAN NG TULONG
Nais pong iparating ng Pasuguan ng Republika ng Pilipinas sa lahat ng Pilipino dito sa Kaharian na ibayong pag-iingat po ang kailangang gamitin upang hindi mapinsala ng ilan sa ating mga kababayan na di umano’y humihingi ng tulong ngunit sila pala ay may ibang motibo.
Kamakailan lamang ay ipinagbigay-alam sa Pasuguan na may di kanais-nais na nangyari sa Riyadh may dalawang linggo na ang nakakaraan. Ayon sa salaysay ng isang kababayan natin na nabiktima, may Pilipinang tumawag sa kanya na humihingi ng tulong na sya ay ma-”rescue” upang sya ay madala sa Pasuguan o sa Philippine Overseas Labor Office. Bagama’t labag sa batas ng Kaharian ang pagkuha at pagkupkop sa mga tumakas sa kanilang mga sponsors, ni-“rescue” pa rin itong ating kababayan na nangangailangan umano ng tulong.
Pagkatapos matagpuan ang Pilipinang humingi ng tulong, sya ay kaagad dinala sa bahay nung tumulong; lingid sa kaalaman ng mga tumulong, ang taong humingi ng saklolo ay may mga kasama palang mga awtoridad. Pagdating sa bahay, ang mga awtoridad ay kaagad pumasok at isa-isang kinilatis ang mga papeles ng mga nakatira sa loob kung may mga taong takas sa amo o mga magkasamang babae at lalake na hindi mag-asawa o magkamag-anak. Ang kababayan naman na di umano’y humihingi ng tulong ay sumakay sa sasakyan ng mga awtoridad. Sa kabutihang palad ay walang kinulong sa mga kababayan nating tumulong sa kadahilanang wala namang nakitang kakulangan sa kanilang mga papeles.
Sa mga ganitong pagkakataon, muling pinaaalalahanan ang ating mga kababayan na dapat tawagan ang Pasuguan para hindi magkaproblema sa Kaharian. Ang Pasuguan po ay matatawagan sa mga teleponong ito:
01) 482 3559 (01) 482 3615
(01) 480 1918 (01) 482 1577
(01) 482 4354 (01) 482 0507
(01) 482 1802
Sa inyong pakikipag-ugnayan sa Pasuguan kayo po ay aming matutulungan.
Maraming salamat po.
No comments:
Post a Comment